Nagsagawa ang MVP Sports Foundation ng seremonya para sa pormal na paggawad ng P18.5-million cash incentives para sa mga Olympic boxers at coaches ng Association of Boxing Alliances in the Philippines.
Kabilang sa ipinamahaging premyo ay ang P5-million kada isa sa mga Tokyo Olympic silver medalists na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, P2-million para sa bronze medalist na si Eumir Marcial, at P500,000 sa Olympian na si Irish Magno sa pamamagitan ng Philippine Olympic Committee (POC), at P6-million sa ABAP coaches.
Present sa seremonya na ginanap sa Meralco Lighthouse Restaurant sina MVPSF chairman Manny Pangilinan, POC president Abraham Tolentino, ABAP president Ricky Vargas, ABAP secretary-general Ed Picson, at iba pa.

Sinabi ni Picson, na naging bahagi ng ABAP mula pa noong 2009, na labis siyang nagpapasalamat sa MVP Group para sa suporta nito sa Philippine boxing sa loob ng maraming taon.
Inihayag ni Picson na laging dumarating ang tulong mula sa MVP Group sa tuwing nagkukumahog sila para mabigyan ng international exposure ang kanilang mga boksingero at sa mga oras na nangangailangan sila ng maayos na training, equipment, at financial incentives para sila ay manatiling matatag.
Tiniyak naman ng ABAP sec-gen na hindi sila magpapakampante sa kabila ng mga nakuhang parangal ng mga boksingero nito.