Makakatanggap karagdagang allowance ang mga Filipino athletes na kasalukuyang lumalaban ngayon sa Tokyo Summer Olympics.
Ito ang kinumpirma ni Senate Committee on Sports chairman Sen. Christopher “Bong” Go matapos aprubahan ng Office of the President ang kahilingan ng Philippine Sports Commission na idinaan sa senador.
Ayon kay Go nagpapasalamat siya kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil agad itong inaprubahan ang kanyang apela na isa umanong patunay ng matibay na suporta nila nang Pangulo para sa mga atletang pinoy.
Aabot P100,000 bilang token ang karagdagang matatanggap ng mga atletang lumahok sa Tokyo Olympics at Paralympics.
Kumpiyansa naman si Go makakakuha ng gintong medalya sa Olympics ang bansa ngayong taon.
Nabatid na batay sa Republic Act No. 10699, ang sinumang atleta na makasungkit ng gintong medalya sa Olympics ay makakatanggap ng PhP10 million mula sa gobyerno, P5-million para sa silver, at P2-million para sa bronze medal.
Sinabi ni Go na handa din si Pangulong Duterte na magbigay ng karagdagang cash incentives sa lahat ng Pinoy Olympic medalists. Nabatid na mayroong 19 Pinoy athletes ang nasa Japan ngayon para irepresenta ang Pilipinas sa iba’t-ibang sporting events at subukang mai-uwi ang mailap na Olympic Gold Medal.
