𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗡𝗔𝗜𝗧𝗔𝗧𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗩𝗘𝗛𝗜𝗖𝗨𝗟𝗔𝗥 𝗔𝗖𝗖𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗦 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔, 𝗣𝗔𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬 𝗡𝗔 𝗧𝗜𝗡𝗨𝗧𝗨𝗧𝗨𝗞𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗜𝗣𝗣𝗢 Patuloy na tinututukan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang nakaka-alarmang pagtaas ng mga road accidents na naitatala sa bawat lungsod at munisipalidad sa lalawigan.
Sa panayam ng Brigada News FM Cauayan kay IPPO Provincial Director PCol. Lee Allen Bauding, simula aniya ng siya ay maupo bilang pinakabagong Provincial Director ay isa na ito sa kaniyang naging prayoridad.
Aniya, nakipagpulong na siya kaagad kasama ang Land Transportation Office, at Liga ng mga Barangay. Nagbigay na rin ang IPPO ng direktiba sa mga Chief of Police ng 36 na police stations sa lalawigan.
Sa direktibang ito ay magsasagawa ang bawat istasyon ng meeting kasama ang mga barangay na kanilang nasasakupan upang magbigay ng mga kaalaman lalo pa’t kadalasan sa mga naitalang insidente ng road accidents ay pawang mga “human error”.
Patuloy din ang paalala ng IPPO sa publiko lalo na sa mga motorista na ugaliing mag-ingat at iwasan ang pag-inom ng alak kapag magmamaneho.