Pinagtataga hanggang sa masawi ang mag-asawang senior citizen sa Sitio Magtanga, Barangay Wagud, Pinukpuk, Kalinga.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Ruben at Apolonia na pawang 65-anyos habang ang suspek ay isang 24-anyos na lalaki na hindi na pinangalanan pa.
Ayon kay PCapt Ruff Manganip ang Information Officer ng PNP Kalinga, nagkaroon ng inuman sa bahay ng mga biktima bago mangyari ang karumal-dumal na krimen.
Aniya, matapos ang ilang oras ay umalis na ang mga bisita ng mag-asawa ngunit naiwan ang suspek na kanilang kapitbahay kung saan ilang sandali lamang ay nagkaroon ng komosyon.
Sa puntong iyon, sumugod ang ama ng suspek sa lugar upang tignan ang pangyayari at pagdating dito ay bumungad sa kaniya ang duguan at wala nang buhay na mag-asawa.
Nagtamo ng 13 na saksak ang lalaki habang 11 na taga naman ang babaeng biktima.
Inamin naman ng suspek na mayroon itong hindi nagustuhan na sinabi ng matandang lalaki patungkol sa selos dahilan upang magawa nito ang krimen.
Sinampahan ng kasong double murder ang suspek na ngayo’y nakakulong sa BJMP-Kalinga.