Arestado ang dalawang indibiwal na sangkot sa pagbibenta umano ng 8-araw na sanggol online sa Dasmariñas, Cavite.
Isa sa mga dinakip ay ang mismong ina ng bata.
Naalarma naman ang Department of Social Welfare and Development dahil nakaka-monitor sila ng mga unauthorized adoptions sa pamamagitan ng Facebook marketplace, kung saan ipinopost lamang ng mga magulang ang kanilang mga sanggol online para sa adoption.
May mga magulang din umanong naghahanap ng mga bata na maaampon sa pamamagitan ng social media.
Ayon sa DSWD, ang pagpapaampon sa labas ng panuntunan ng National Authority for Child Care ay maituturing na krimen.
Sa ngayon ay nasa 20 hanggang 40 social media page ang natukoy ng ahensya kung saan nagkakaroon ng palitan ng mga sanggol.