NAGA CITY – Nilinaw ni Naga City PSO Executive Director Renne Gumba na magiging limitado lamang ang gagawin nilang aksyon sa isyu ng illegal sidewalk vending sa paligid ng Naga City Peoples Mall, dahil sa may sarili namang security personnel ang merkado na siyang dapat na magsita, makipaghabulan at mangumpiska sa mga paninda ng mga violators.
Sa pakikipag-ugnayan ng Brigada News FM Naga kay Gumba, binanggit niya na handa silang tumulong sa NCPM sa problema laban sa mga vendors na matitigas ang ulo, na kahapon nga may mga nagpuwesto na naman sa mga bawal na lugar.
Paliwanag niya na ang ganitong senaryo sa mga sidewalk vendors ay tila normal na sa lungsod tulad ng Naga na kung saan siyang sentro ng pagnenegosyo sa Camarines Sur dahil sa mga negosyanteng dumarayo sa NCPM na galing pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.