CAMARINES NORTE – Nagbabala ang Commission on Elections sa mga kakandidato sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na iwasang masangkot sa maagang pangangampanya o premature campaigning.
Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes, sampung araw lang ang official campaign period at ito ay mula October 19- 28 at dito lamang maaaring mangampanya ang mga kandidato.
Mula September 3 o isang araw pagkatapos ng filing of certificate of candidacy hanggang October 18 ay mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya.
Gayunman aminado si Abanes na dahil sa kakulangan ng mga tauhan ng Comelec ay hindi naman talaga nila ito laging mababantayan.
Ang talagang nagbabantayan umano ay ang magkakalaban rin naman kaya inaasahan na raw ng Comelec na makakatanggap sila ng mga reklamo ukol dito.
Paalala naman ng Comelec sa mga magrereklamo na dapat properly documented ang kanilang reklamo.
Una nang nagbabala si Comelec Chairman George Garcia na ang premature campaigning ay may katumbas na kulong na isa hanggang anim na taon at diskuwalipikasyon.
