NAILIGTAS na ang anim na bata at dalawang guro na lulan ng isang napatid na cable car sa Northwest Pakistan matapos ang 14 oras na pagkakalambitin nito sa ere na may humigit-kumulang na 1000 feet.
Kinumpirma ito mismo ni Anwaar Kakar, Prime Minister ng kanilang bansa matapos umpisahan ang rescue operation nitong Martes, Agosto 22, sa pakikipagtulungan ng army troops na sakay ng isang helicopter at mga residente sa nasabing lugar.
Pangunahing transportasyon kasi ang cable car ng halos lahat ng estudyante sa lugar para mahatid-sundo sila sa kanilang paaralan.
Samantala, mariin namang iniutos ni Kakar na agaran nang tanggalin ang mga depektibong cable car upang maiwasan ang panganib na maidudulot nito. ###|JOHNOAH MAE A. ZEPEDA, Intern