CAMARINES NORTE- Inaasahang maaprobahan na sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo ang panukalang ordinansa na magre- regulate sa operasyon ng mga swimming at beach resorts sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Ito ay makaraang maaprobahan ang naturang panukala noong nakaraang linggo sa ikalawang pagbasa ng Sangguniang Bayan.
Una nang sinabi ng may akda ng panukalang ordinansa na si Coun. Shaina Jules Lopez na importanteng ma- regulate at maayos ang business permit ng mga resorts dahil iba na rin aniya kung mayroong legal na papel.
Sa gitna ito ng pagsulputan ng mga resorts sa naturang bayan na hindi accredited ng Department of Tourism.
Noong isagawa ang public hearing sinabi ni Lopez na mas marami umano ang pupunta sa isang establishment kung alam ng mga tao na ito ay ligtas at may kaukulang permits galing sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Alinsunod umano sa Republic Act 9593 o Tourism Act of 2009 bawal na talagang bigyan ng permit ang mga resorts na hindi accredited ng DOT.
Pero binigyan ito ng kunsiderasyon ng Provincial Tourism Office basta’t may Mayor’s permit habang hinihintay ang DOT accreditation.
