Isang maikling dayalogo at koordinasyon ang isinagawa ng mga kapulisan ng Daraga sa pangunguna ni Police Executive Master Sergeant (PEMS) Cristeto Melchor Mendez sa mga tauhan ng Daraga PSO na pinangunahan naman ni Police Lieutenant Vicente Naira, Chief PSO sa Daraga Freedom Park.
Layunin ng isinagawang pag-uusap na mas mapaigting pa ang ugnayan at ang matatag na samahan ng mga tagapagpanatili ng kaayusan sa nasabing bayan.
Taos-puso ang pagpapasalamat ni Mendez sa Daraga PSO sa hindi matatawarang suporta sa kapulisan, ganoon din sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa serbisyo na nagbigay ng malaking ambag sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa bayan, mas ligtas at payapang selebrasyon ng nakalipas na Pasko at bagong taon.
Patuloy din ang paghihikayat nila na mas maging mahinahon at magalang sa pagganap sa tungkulin at pagpapatupad ng batas-trapiko, at higit sa lahat maging huwaran sa pagiging mabuting mamamayan at maging kakampi ng batas sa lahat ng oras.