DILG, may babala sa mga pusher

‘Ipakukulong namin kayo’

Ito ang iniwang babala ni Interior Secretary Benhur Abalos sa mga durugistang magpapatuloy pa rin sa pagtutulak ng droga kasabay ng paglulunsad ng nationwide na multi-agency anti-illegal drugs campaign ng gobyero na kung tawagin ay ‘Buhay ay Ingatan, Droga’y Iwasan’, ‘o ‘yung ‘BIDA’ program.

Sa kanyang talumpati, idiniin ng Kalihim na may kalalagyan ang lahat ng mga drug pushers na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.

Siniguro pa ng Kalihim na puputulin nila ang problema ng iligal na droga sa grassroots level.

Inilarawan ni Abalos ang drug problem sa isang puno kung saan, hindi naman ito mahihinto kung tanging mga ‘sanga’ lamang ang puputulin, at hindi huhugutin mula sa ugat.

Read More:  Senate minority ready to challenge Marcoleta’s online attendance proposal

Dahil dito, hindi raw titigil ang DILG at mga law enforcement agencies sa mga maliliit na isda, at sinigurong gagawa ng mga hakbang para tuluyang mapababa ang demand ng droga.

Umapela rin ito sa iba’t ibang mga tanggapan ng pamahalaan na makiisa para masigurong magiging maganda ang buhay ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng paglalayo sa kanila sa ipinagbabawal na gamot.

Katuwang ang mga LGUs at mga law enforcement agencies – hinikayat ni Abalos na maglunsad ng mga programa kontra iligal na droga nang pagsisigurong marerespeto pa rin ang human rights.

Idiniin din ng Kalihim na magfo-focus ang bagong programa na ito sa rehabilitation ng mga nalulong sa droga, ang panunumbalik nila sa normal na buhay, at iba pang mga hakbang para sa kanilang socio-economic development.

Sa kabuoan, tinatayang aabot na sa mahigit 22,000 na mga drug personalities ang na-aresto sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Read More:  BI proposes P247 airport fee for security modernization

BIDA Program, welcome sa CHR

Sinuportahan naman ng Commission on Human Rights ang ‘BIDA’ program.

Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na wine-welcome nila ang ‘revamped’ na pamamaraan ng gobyerno para masugpo ang kalakaran ng droga sa bansa.

Ayon sa CHR, ang problema ng droga ay hindi lamang isyung kriminal, kundi isa ring heath at social issue na kailangang ma-adress sa tamang paraan.

Naniniwala rin ang tanggapan na hindi dapat sapilitan ang pagsasailalim sa isang drug user sa rehab.

Umapela ang CHR sa mga law enforcement agencies na dapat ay maging consistent pa rin ang bagong anti-drug program, sa mga standards na inilatag sa international human rights.
#