Naniniwala si Interior Secretary Benhur Abalos na kailangan na munang pag-aralang maigi ang ipinapanukalang decriminalization sa illegal drug use ni Senador Bato dela Rosa.
Matatandaaang iminungkahi ng chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous drugs ang pag-alis-kulong sa paggamit ng iligal na droga para ma-decongest na ang mga kulungan sa bansa.
Sa interview kay Abalos matapos ang paglulunsad ng ‘Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan’ anti-illegal drugs campaign o ‘yung BIDA program, sinabi ng Kalihim na masiyado pang sensitibo ang usapin.
Dahil dito, dapat aniyang busisiin, pag-aralan, at pag-usapan na muna ito nang mabuti.
Hindi raw kasi basta-basta ito maaaring ipatupad nang hindi napagdedebatehan at natitimbang ang magaganda o masasamang epekto ng decriminalization ng drug use.
Matatandaaang matapos ang kontrobersyal na suhestyon ni dela Rosa, kahapon ay kumambyo na ito at sinabing nagdadalawang-isip na siya para rito.
Sinabi ng Senador na maaari itong magpadala ng maling mensahe sa publiko na ‘okay’ lang gumamit ng ipinagbabawal na gamot dahil wala itong criminal charges na kahaharapin.
#
RELATED STORY:
