Red tide warning, inalis na sa Milagros, Masbate

SORSOGON CITY—Ligtas na mula sa red tide toxin ang mga lamang dagat sa bayan ng Milagros, Masbate kaya pwede na itong kainin.

Sa Shellfish bulletin No. 13 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Biyernes, Hulyo 22, negatibo na sa paralytic shellfish poison o red tide toxin ang baybaying dagat na sakop ng naturang bayan.

Dahil dito, ligtas nang kainin at maaari nang ibenta sa mga pamilihan ang mga lamang dagat kagaya ng alamang at talaba mula sa nasabing karagatan.

Itinaas ang red tide alert sa bayan ng Milagros sa pamamagitan ng shellfish bulletin na inilabas ng BFAR noong Pebrero 24, 2022.

Read More:  Mother of four dies while queuing for P20 rice in Bukidnon

Dagok ang sumunod na mahigit apat na buwan na shellfish ban sa fisherfolk ng Milagros na nagluluwas ng lamang dagat sa pamilihang bayan ng lungsod ng Masbate at mga pangunahing lungsod sa Bicol mainland at Metro Manila.

Kasabay nito, nagpaalala naman ang lokal na tanggapan ng BFAR sa mga lokal na pamahalaan na ugaliin ang pag-inspect sa mga dinadalang lamang dagat sa mga pamilihan sa bawat bayan.

Read More:  Rider dies after crashing into trailer truck in Davao City

Nananatili namang ligtas sa red tide ang coastal waters ng Mandaon sa Masbate, Sorsogon Bay at Juag Lagoon sa Matnog, Sorsogon.