93 airlines nagawang tukuyin ng isang 6 y/o sa loob ng 1 minuto

Gaano ka kagaling magkabisa noong anim na taong gulang ka? Nagawa mo bang mai-recite sa harap ng klase ang multiplication table?

Isang 6-anyos na batang babae sa India ang kinagiliwan matapos nitong magawang tukuyin ang nasa 93 iba’t-ibang airlines sa loob lamang ng isang minuto sa pamamagitan ng pagtingin sa buntot ng mga ito.

Hindi pa opisyal na kinikilala ng Guinness World Record ang nagawa ni Aarna Gupta ng Panchkula, Haryana pero kung titingnan ang kasalukuyang may hawak ng titulo ay malayo ang nagawa nito.

Ang 12-anyos na batang si Siddhant Gumber ang may hawak ng record matapos nitong matukoy ang nasa 39 na airlines sa kaparehong oras at opisyal itong napasama sa Guinness book noong November 2020.

Hihintayin pa ngayon ang approval ng Guinness officials bago tuluyang kilalanin ang batang si Gupta.

Ayon sa ina nitong si Neha, bata pa ang kanyang anak ay nakitaan na nila ito ng kakaibang abilidad sa pagkakabisa.

“We noticed that her memory is sharp and she is skilled so we thought of encouraging her more so she could achieve something bigger,” ayon kay Neha.|| Shiela Madrigalejos