Simula bukas, kabilang na sa red list ang walong bansa at teritoryo na magiging epektibo hanggang December 16.
Ayon sa COVID-19 task force, mapapabilang sa listahan ang Andorra, France, Monaco, Northern Mariana Islands, Réunion, San Marino, South Africa, at Switzerland.
Paliwanag ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles, ang mga nasa red list ay hindi papayagang pumasok ng bansa maliban na lamang kung galing ito sa repatriation flights para sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ipinunto naman ni Nograles na kailangan ng OFWs na magmumula sa red list countries at fully vaccinated na kontra COVID-19 na magpresenta ng negatibong resulta ng RT-PCR test na valid hanggang 72 oras bago dumating sa Pilipinas.
Isasailalim din ang mga ito sa facility-based quarantine pagdating ng bansa.
Pagdating ng ikapitong araw ay sasailalim ang mga ito sa RT-PCR test at kung negatibo ang resulta ay maaari na nitong tapusin ang natitirang 14 araw ng quarantine sa kanilang tahanan.
Isinama naman sa yellow list para sa buong buwan ng Disyembre ang lahat ng lugar na mayroong local transmission ng Omicron variant.
