BNFM BICOL—Muling nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 ang islang lalawigan ng Catanduanes matapos na maitala ang 74 na mga bagong kaso ng sakit nitong weekend.
Batay sa ulat ng Department og Health-Bicol, 22 kaso ang naitala nitong Sabado, kung saan tiglima ang bayan ng San Andres at Virac; apat sa Bato; tatlo sa Viga; dalawa sa Panganiban habang tig-iisang kaso naman, ang mga bayan ng Baras, Gigmoto at Pandan.
Kahapon araw ng Linggo, halos doble ng mga kaso nitong Sabado ang naidagdag sa isla na umabot sa 52.
Sa naturang bilang, 25 sa mga ito ang mula sa bayan ng Virac; pito sa Caramoran; tig-lima ang San Miguel at Viga; apat sa Bagamanoc; tatlo sa San Andres dalawa sa Pandan habang isa naman sa bayan ng Bato.
Sumatotal, pumapalo na sa 1,921 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Catanduanes , kung saan 460 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Umabot na rin sa 1,450 ang total recoveries makaraang madagdagan ng 20 mga bagong gumaling habang wala namang naiulat na bagong nasawi kaya’t nanatili sa 11 ang death toll ng sakit sa probinsya.###