Uttar Pradesh, INDIA—Pinag-uusapan ngayon sa Uttar Pradesh State sa bansang India ang isang 70-anyos na lolo dahil sa kanyang hindi pangkaraniwang kakayahan.
Kinilala itong si MS Verma, dating opisyal ng gobyerno na ngayon ay naging instant sikat dahil sakanyang ipinamalas na talento.
Kaya niya kasing tumitig ng direkta sa araw nang hindi kumukurap, at hindi lamang sa panandaliang panahon, kundi sa loob ng isang oras.
Ayon kay Verma, inabot siya ng halos 25 taon, bago naging bihasa sa naturang kakayahan. Kinailangan niya ang tulong ng isang ‘meditation guru’ sa pagdiskubre at paghubog ng kanyang talento.
Bunsod nito, kinilala ng India’s Book of Records ang kanyang kakayahan, siya na ngayon ang bagong record holder ng taong pinakamatagal na tumitig sa sikat ng araw sa naturang bansa.
Sakabila nito, nagpaalala naman ang mga eksperto sa mata at kalusugan na lubhang mapanganib ang ganitong gawain dahil ang matagal na pagtitig sa araw ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng retina na pwedeng mauwi sa pagkabulag.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol