7 anyos na batang babae, natagpuang patay sa loob ng kuweba sa Lucban, Quezon

Isang pitong taong gulang na batang babae na hinihinalang pinaslang ang natagpuan sa loob ng isang kuweba sa magubat na bahagi ng Barangay Palola sa Lucban, Quezon.

Unang naireport na nawawala ang biktima na isang Grade 2 student nang hindi ito makauwi sa kanilang tahanan noong Sabado ng gabi.

Nadiskubre naman ng tiyuhin ng biktima ang krimen nang habang hinahanap nito ang pamangkin sa lugar  ay  nakita nito  ang isang lalaki na kapitbahay ng biktima na may dalang panghukay  na lumabas sa kuweba.

Nang makalayo ang lalaki, tinungo nito ang kuweba at doon nakita ang tsinelas ng bata.

Napansin dito nito ang mga bato na tila inayos ang pagkakalagay at nang kanyang pag-aaalisin ay tumambad sa ilalim ang wala nang buhay na katawan ng biktima.

Agad itong nagreport sa pulisya at batay sa inisyal na imbestigasyon ay positibong kinilala ng kanyang ina ang bata.

Natuklasan na nakagapos ang mga kamay nito at walang suot na pang ibabang saplot.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at inaresto ng 33-anyos na lalaki na si Alyas Noel na siyang nanggaling sa kuweba at itinuturing ngayon na suspek sa krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Lucban Municipal Police Station at kinakalap pa ang mga kuha ng CCTV sa lugar upang malaman kung paano tinangay ng suspek ang biktima patungo sa lugar.

Isasailalim na rin sa pagsusuri ng SOCO ang labi para malaman ang ikinasawi nito at kung ginahasa ang biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *