Clinically recovered na ang 6-anyos na batang babae sa Roxas,Isabela na nagpositibo sa COVID-19 Delta Variant na unang natukoy noong August 30,2021 sa ulat ng DOH- Regional Epidemiologic and Surveillance Unit (RESU).
Ito ang kinumpirma ng Lokal na Pamahalaan ng Roxas, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang pasyente na si CV61121, isang 6 anyos na babae at residente ng Brgy. Quiling, Roxas, Isabela.
Napag-alaman na si CV61121 ay isang Locally Stranded Individual o LSI na umuwi sa bayan ng Roxas noong August 5, 2021 mula sa Caloocan City, Metro Manila.
Sumunod umano sa travel protocols ang pasyente kung saan idineretso ito sa RHU Central triage sa parehong araw at isinailalim sa health assessment at rapid antigen test.
Nagpositibo umano si CV 61121 sa kaniyang antigen kaya’t inilipat ito sa Roxas Quarantine Facility noong August 6,2021.
Bagaman nagpositibo si CV 61121 sa COVID-19 ay wala naman umano itong naranasan na anumang sintomas dahilan upang nanatili ito sa RQF kung saan makalipas ang 14 na araw na walang sintomas ay ikinonsidera na itong clinically recovered patient.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing ang RHU Roxas maging ang back tracing sa primary at secondary contacts nito noong August 5.
Negatibo naman ang naging resulta ng RT-PCR test ng mga close contacts ni CV61121 ngunit kinakailangan pa ring sumailalim sila sa strict quarantine.
Hinikayat naman ni Mayor Jonathan Jose Calderon ang kooperasyon ng mga residente ng Roxas na ipaalam sa mga BHERTs kung mayroong dumarating na LSI o indibidwal na galing sa high-risk areas tulad ng NCR upang masuri sila Roxas Central Triage.