SORSOGON CITY – Aabot sa 55 pirasong coco lumber ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-illegal logging operations sa bayan ng Sta Magdalena at Irosin, kung saan 6 na katao ang nasakote.
Kinilala ang mga ito na sina Reynaldo Gimpes, 41 anyos, may-asawa, at Roger Bantugon, 38 anyos, kapwa laborer at kapwa residente ng Brgy. San Roque ng nasabing bayan.
Habang apat naman ang nadakip sa Brgy. Carriedo, Irosin na sina Nestor Felecia Ofalsa, 41 anyos, may-asawa, Rickynel Magsino Evasco, 40 anyos, may-asawa, Gilbert Casaol Gallanera, 32 anyos, may-asawa, at Eddieboy Soalibio Alfon, 30 anyos, may kinakasama.
Ang huling apat ay naaktuhan ng mga awtoridad habang nagpuputol at nagreretaso ng pinutol na puno ng niyog gamit ang chainsaw. Nakumpiska sa kanila ang 40 piraso ng coco lumber.
Ang naunang dalawa naman ay nadakip sa Sitio Matacla, Brgy San Eugenio sa Sta Magdalena, sa aktong inaayos umano ng mga ito ang kamada ng mga coco lumber sa gilid ng kalsada nang namataan ng mga awtoridad.
Nakuha naman sa kanila ang 15 pirasong coco lumber na nagkakahalaga ng P11, 250.00.
Walang naipakitang kaukulang papeles ang mga suspek kung kaya’t mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 8048 o ang regulasyon ng pagpuputol ng puno ng niyog.
PHOTO: Image representation only
