BICOL—Nakasailalaim na sa Alert Level 4 COVID-19 Risk Classification ang limang lalawigan sa Bicol dahil sa mga naitalang kaso ng variants of concern at pagkapuno na ng mga ospital.
Base sa record ng Epidemiology Bureau ng Department of Health Central Office, kabilang sa mga nasa Alert Level 4 ay ang Camarines Sur, Albay, Camarines Norte, Sorsogon at Masbate maliban na lang islang lalawigan ng Catanduanes.
Ito ay kasunod na rin ng tumataas na kaso ng variants of concern na ngayon ay umaabot na sa 183 sa kabuuan matapos na madagdagan ng 20 panibagong kaso.
Pinakamarami na sa mga ito ang Delta variant na siyang konsideradong pinakanakakawang strain ng COVID-19.
Maliban dito, punuan na rin ang mga ospital at health facilities at ang iba ay malapit na ring mapuno. Sa tatlong COVID-19 referral hospitals sa rehiyon, puno na ang Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center (BRGHGMC) sa Camarines Sur at ang Bicol Medical Center (BMC) sa Naga City habang malapit na ring mapuno ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Albay.
Maliban sa mga variants of concern ay patuloy din ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na ngayon ay pumapalo na sa 36,029.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang DOH sa mga Bicolano na palaging sundin ang Minimum Public Health Standards upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at magpabakuna bilang dagdag proteksyon laban sa nakakahawang virus.### || slm