NAGA CITY – May ilang mga matatanda sa Naga City ang naitalang may dengue o nagka-dengue, ang iba sa mga ito ay ginagamot pa at ang iba naman ay gumaling na.
Sa Barangay Tinago , may isang senior citizen ang nagka-dengue dahil sa mga nakaimbak na mga bakanteng lata sa loob ng kanilang bahay. Ito ang kinumpirma sa Brigada News FM Naga ni Tinago Punong Barangay Estelita Bautista, na ayon sa kanya ay nasa mabuti na ring kalagayan ang matanda matapos na mabigyan agad ng agarang lunas.
Kaugnay nito, mas lalo pa nilang pinaigting ang paglilinis sa paligid sa pagpatupad ng 4S bukod pa diyan ay ang mga estudyanteng naging katulong nila at nagsagawa ng fogging sa lugar pati na rin sa mga paaralan nila sa barangay.
Pagdating naman anya sa mga kanal, tiniyak ng opisyal na regular nilang nalilinisan ang mga kanal para hindi ito pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.
Ang Naga City ay may nauna ng naiulat na 93 kaso ng dengue mula sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon.