Jiangsu, CHINA – Natural sa isang bata ang pagiging makulit at bibo, lalo na at nagsisimula pa lamang sila sa pagtuklas ng mga bagay-bagay. Ngunit kapag sumusobra na sa kakulitan, tamang disiplina ang kailangang gawin ng magulang upang lumaki silang may takot at may respeto.
Sa bansang China partikular sa Jiangsu Province, isang ginang ang humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya matapos na ipulupot sakanyang leeg ng apat na taong gulang niyang anak ang isang bicycle lock.
Kwento ng hindi na pinangalanang ginang, habang siya ay naglilinis ng kanilang banyo ay bigla na lamang umanong ipinulupot at ini-locked ng kanyang anak sa kanyang leeg ang bicycle lock.
Noong una, kampante naman siya dahil alam niya ang kombinasyon o ang passcode para ma ‘unlock’ ito ngunit nang sinubukan niya na itong tanggalin, hindi niya na ito mabuksan dahil posibleng na ‘reset’ ng kanyang anak ang kombinasyon nito.
Dahil wala pa sa wastong edad, hindi na rin maalala ng bata ang bagong kombinasyon ng passcode nito kaya’t naisipan ng ginang na humingi na ng tulong sa mga otoridad.
Gamit ang wire cutters, matagumpay na natanggal ng mga otoridad ang bicycle lock sa leeg ng ginang at maswertengng hindi naman ito nagtamo ng seryosong sugat. Paalala sa mga magulang, huwag hahayaang nakakalat sainyong bahay ang mga katulad na kagamitan na pwedeng maging sanhi ng anumang peligro sa kahit na sino, at kung maaari ay ilagay ito sa mataas na bahagi ng bahay na hindi maaabot ng mga paslit.### JUMEL DELA ROSA
