SORSOGON CITY – Aabot sa 35 former rebels (FRs) na boluntaryong sumurender sa pamahalaan ang nagtapos na sa apat na araw na deradicalization program na ginanap sa Punong Himpilan ng 903rd Infantry Brigade sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Ang programa ay may temang “Bagong Buhay, Bagong Pag-asa Hatid ng Pamahalaan para sa mga Kapatid na Dating Rebelde.’’ Nagsimula ito noong Nobyembre 29 at nagtapos kahapon, Disyembre 2.
Ang deradikisasyon ay bahagi ng programa ng gobyerno na inilaan para sa mga FRs. Ito ay pinadali ng Army sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang lokal na ahensya ng pamahalaan para itama ang mga ideolohiya at doktrina na itinanim sa kanila ng kanilang dating hukbo.

Ang kaganapan ay kinabibilangan ng mga lectures, at livelihood trainings para maihanda ang mga FRs sa muli nilang pakihalubilo sa ‘mainstream society.’
Nagsilbing panauhing pandangal sa closing ceremony ang police director ng Sorsogon Police Provincial Office na si PCol Arturo Brual Jr.
‘’If you go back to the folds of the law ay makakasama ninyo at mayayakap ang inyong mga mahal sa buhay at makakasiguro po kayo na kasama ninyo ang gobyerno, tumutupad sa pangakong tulungan kayo na maisaayos ang inyong buhay,” sabi ni Brual sa kanyang mensahe.