BICOL – AABOT sa 337 na mga barangay sa Bicol ang naabot at nabenepisyuhan nang “Baranggayan” initiative ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) mula taong 2019 hanghang 2021.
Ayon mismo kay National Security Adviser Secretary Hermogenes C. Esperon Jr, na siya ring tumatayong Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) for Bicol region, nagawa ng binuong task force na makapaghatid ng ibat ibang tulong at asistensya sa 32 barangay noong 2019, 139 noong 2020 at aabot sa mahigit 160 noong nakalipas na taon sa kabila ng mga hamong dala ng pandemya.
Naniniwala ang opisyal na ang kahirapan at kawalan ng access sa edukasyon, healthcare at economic opportunities ang ilan sa mga pangunahing rason na mas lalong lumalala ang kalagayan ng mga residente sa mga conflict-prone communities sa bansa.
Ito aniya ang nais tugunan sa pamamagitan ng nasabing programa at sa tulong na rin ng mga mamamayang nagiging kabalikat upang tugunan at wakasan ang problema sa insurhensya sa kanilang lugar.
Samantala, bukod sa nasabing mga hakbang, kanila rin umanong tinututukan sa ngayon ang paggamit ng internet upang pigilan ang mga anti-people plans and activities ng komunistang teroristang grupo na ngayong umano ay namamayagpag na rin maging sa mainstream at social media.