Wi-nelcome ng liderato ng Armed Forces of the Philippines ang pagkakalagda sa batas na nagtatakda anang tatlong taong termino sa mga military officials.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala, makatutulong ang Republic Act 11709 para lalong patatagin ang organisasyon nang sa gayon ay magampanan pa nila ang kanilang mandato na protektahan ang mga Pilipino at ang Estado.
Aniya, mas magiging ‘efficient’ at epektibo ang kanilang trabaho.

Sa ganitong hakbang umano ay mas magiging malinaw ang layunin ng AFP na maging credible at pagmulan ng ‘national pride’.
Samantala, pinasalamatan din ng liderato ng AFP ang kasalukuyang administrasyon, at gayundin ang Senado at Kamara sa pagtuloy na pagbibigay nito ng suporta sa mga hakbang, operasyon, at programa ng AFP.
Mababatid na itinatakda ng batas ang 3 year fixed term sa mga opisyal ng AFP kabilang na ang kanilang chief of staff, vice chief of staff, at deputy chief of staff.
Sakop din nito ang mga commanding general ng lahat ng sangay ng AFP kasama ang Army at Air Force, flag officer in command ng Navy, unified command commanders, hanggang sa inspector general.
#