NAGA CITY- Nakapag-ulat ng problema sa inuming tubig ang tatlong mga bayan sa Camarines Sur dahil sa ilang araw na pag-uulan.
Ang mga bayang ito ay ang Pasacao, Minalabac at Libmanan. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Mayor Jess Camara ng Libmanan sinabi nitong 25 na mga barangay ang apektado o aabot sa halos sampung libong mga residente na sinisilbihan ng Libmanan Water District.
Paliwanag ng alkalde naapektuhan kasi ang water sources kaya ipinapayo na pakuluan muna bago inumin kahit na hindi malala ang problema.
Kaugnay nito ipinadala ng Provincial Government ang Wash ,Sanitation and Hygiene o WaSH Team ng Provincial Risk Reduction and Management Council para mag supply ng tubig.
Sa Minalabac naman sinabi ni Mayor Chris Lizardo na maayos naman na ang supply ng tubig kahapon.