Umabot sa 3.4 bilyong piso na halaga ng shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency, PNP, Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Bureau of Customs sa Candelaria, Zambales kahapon ng tanghali.
Ayon sa PNP, ang operasyon ay nagresulta sa engkwentro na ikinasawi ng apat na mga suspek.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Gao Manzhu, Hong Jianshe, Eddie Tan, at Xu Youha na pawang mga Chinese national.
Umabot sa 500 kilos ng shabu ang nakuha sa operasyon kung saan ang mga suspek umano ay distributor ng iligal na droga sa Metro Manila, Central Luzon at Region 4.
Samantala, kasunod nito kahapon ng hapon ang isang follow-up operation sa Tipo Exit, Hermosa, Bataan.
Dito ay naaresto naman ang tatlong mga tsino rin na kinilalang sina Qing Chang Zhou, Cai Cai Bin at Longcai Chang.
Nakumpiska naman ang 80 kilos ng ipinagbabawal na droga na tinatayang nasa 544 million pesos ang halaga at dalawang mga sasakyan.
Ang mga nasabing operasyon kontra droga ang pinakamalaking operasyon ngayong taon ng mga otoridad sa bansa.//Jen Bayot-BNFM OLONGAPO
