Batangas City – Nagpaabot ng pakikiramay ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa pamilya ng dalawang umano’y miyembro ng New Peoples Army o NPA na nasawi sa engkwentro kamakailan sa Barangay Bolbok, Tuy, Batangas.
Sa pahayag ni 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong, ipinaliwanag nito na bagama’t nasawi ang anila’y kapwa nila Pilipino, kailangan pa rin nilang gampanan ang kanilang tungkulin na protektahan ang bawat mamamayan upang magkaroon ng isang mapayapang komonidad.
Kasabay nito, muling nanawagan si Capulong sa mga natitira pang miyembro ng NPA na naroroon sa lugar na sumuko na at magbalik loob na sa gobyerno.
Hanggang sa ngayon, mas pina-igting pa ang seguridad sa naturang lugar maging sa mga karatig barangay at bayan dito sa Batangas.
Samantala, pinuri naman ni Capulong ang mga tauhan ng 59 Infantry Batallion kaugnay pa rin sa nakaraang engkwentro.