BNFM BICOL—Pumalo na sa kabuuang 1,310 ang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes matapos na madagdagan ng 26 na mga bagong kaso nitong weekend.
Batay sa inilabas na ulat ng Department of Health-Bicol, 19 na mga bagong kaso ang naitala nitong araw ng Sabado kung saan walo sa mga ito ang mula sa bayan ng Virac, tag-apat ang bayan ng Bagamanoc at Panganiban habang tatlong kaso naman ang mula sa bayan ng Viga.
Samantala kahapon araw ng Linggo, pitong panibagong kaso ng sakit ang nairehistro sa probinsya.
Tig da-dalawang kaso ang mga bayan ng Bato, San Andres at Virac habang isang kaso naman ang mula sa bayan ng Bagamanoc.
Bunsod nito, nasa 225 ngayon ang nananatiling aktibong kaso ng COVID-19 sa Catanduanes habang nadagdagan naman ng 30 ang bilang ng mga gumaling kung kaya’t nasa 1,074 na ang COVID-19 recoveries sa islang lalawigan.
Wala namang naiulat na bagong nasawi kung kaya’t nanatili sa 11 ang death toll.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang paalala ng Provincial Health Office na sundin ang mga umiiral na minimum health standards upang mapigilan ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus sa lugar.
Hinihikayat din ng tanggapan ang publiko na makiisa sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination lalo na ang mga may edad na at may comorbidities na silang mas vulnerable na mahawaan ng sakit.###