22-Anyos na lalaki, sugatan matapos barilin sa Batangas

Batangas City – Sugatan ang isang 22 anyos na lalaki matapos barilin ng dating nakaalitang lalaki sa Barangay Kumintang Ibaba, Batangas City.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si alyas “Justine”, construction worker at residente ng naturang lugar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas 2:00 ng hapon noong June 27, 2024 kung saan pinaghihinalaang nakainom ang dalawa at napag-usapan ang nakaraan nilang away.

Dahil doon ay bigla na lamang binaril ng suspek ang biktima na tinamaan sa tiyan at pagkatapos ay dali-dali itong tumakas.

Samantala, kasalukuyang nagpapagaling na ang biktima, habang patuloy naman ang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa nakatakas na suspek.