SORSOGON CITY – Umaasa ang pamuuan ng AFP-Sorsogon na sa pamamagitan ng pagtatapos ng deradicalization program ng mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF, ay magiging malaya na ang 21 former rebel (FR) mula sa radikal na ideya, layunin o anumang elemento.
Ayon sa pamunuan ng 903rd Brigade, ang tatlong araw na de-radicalization program ay may temang ‘’Tabang kan Gobyerno, Hatud ang Bag-ong Pag-asa sa mga Tugang na Nagbalik-loob.’’
Ito umano ay programa na naglalayong palakasin at hikayatin ang mga dating rebelde sa pamamagitan ng proseso ng de-radicalization na nakatuon sa pagpapagaling at pagkakasundo matapos silang umalis sa hukbo at magbalik loob sa pamahalaan.
Ang programa ay idinisenyo upang baguhin ang pag-iisip ng mga FRs, palakasin ang kanilang moral at kapakanan at turuan sila ng tamang impormasyon upang putulin ang maling indoktrinasyon na itinanim sa kanila ng armadong pakikibaka.
Kung babalikan, kabuuang 21 dating miyrmbro ng CPP-NPA-NDF ang nakakumpleto na ng tatlong araw na de-radicalization program na pinangasiwaan ng 903rd Infantry (Patriot) Brigade na isinagawa sa headquarters ng 22nd Infantry Battalion sa Brgy Calomagon sa bayan ng Bulan, Sorsogon.
Ang mga dating Kadre ng BHB na sina Ka Bal at Ka James ang kabilang sa napiling facilitators, nagsilbing Keynote Speaker naman ang Provincial Director ng DILG-Sorsogon na si Julius Rodel Cal-Ortiz.
Sumuporta rin ang ilang kagawaran katulad ng PSWD, TESDA, NHA, DOLE, Natl Commission on Indigenous People at DepEd.
