Muling ibinaba ng Fitch Solutions ang growth projection nito sa Pilipinas ngayong 2021 sa harap ng nagpapatuloy na paghadlang ng COVID-19 pandemic sa pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Sa pagtaya ng American research firm, lalago lamang sa 4.2 percent ang ekonomiya ng bansa ngayong taon, mas mababa sa nauna nitong projection na 5.3 percent.
Malayo naman ito sa 6 percent hanggang 7 percent na growth target ng economic team ng Pilipinas ngayong 2021.
Bukod pa rito, ibinaba rin ng research company ang household spending forecast nito ngayong taon sa 3.5 percent mula sa dating 4 percent dahil sa mahinang retail activity bago pa man ipinatupad ang dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Habang mula sa 7 percent, ibinaba rin nito sa 5 percent ang projection para sa public expenditure.
Para naman sa taong 2022, ibinaba rin ng Fitch ang 2022 growth forecast nila sa 6.8 percent mula sa dating 6.9 percent. //MHEL PACIA-TRINIDAD
