Nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong nakahanda nang i-repatriate sa bansa mula sa Lebanon sa gitna ng nangyayaring gulo roon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na mayroong higit 200 mga Pinoy na naka-book sa iba’t ibang commercial flights.
Maliban dito, 400 pa aniya ang pino-proseso para makabiyahe; habang 20 naman ang makauuwi sa weekend mula sa 3 magkakahiwalay na flights.
Paliwanag ni Cacdac, may mga sitwasyon kung saan kinakailangan pa talagang hikayatin o kumbinsihin ang mga employers na pauwiin ang mga Pilipino sa lugar, pero aniya – karamihan pa rin ay hindi nahihirapang umuwi kung nanaisin nila.
Sa huli, tiniyak ng kalihim na tinutulungan nila ang lahat sa oras ng peligro.
Wala umano silang pinipili – documented man o undocumented, dahil basta OFW ay tinutulungan ito ng ahensya.