Arestado ang dalawang lalaking wanted sa kasong murder sa Barangay San Roque, Rosario, Batangas kaninang pasado alas-dos ng hapon kahapon.
Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Police Major Emil Mendoza, Chief of Police ng Ibaan Municipal Police Station, naaresto ang dalawa sa pamamagitan ng pinagsanib pwersang operasyon ng CIDG-Batangas at ng Ibaan MPS.
Nakilala ang mga suspek na sila Eleazar Rocio, at si alyas ‘Andi Guera’ na pawang residente ng Barangay Pangao, Ibaan, Batangas.
Ayon kay Major Mendoza, nahaharap sa kasong murder ang dalawang suspek matapos mapatunayang sangkot sila sa pagpatay sa isang Chinese national sa nasabing bayan nitong nakaraang Marso 2022.
Batay sa salaysay ni Major Mendoza, maghahain ng warrant of arrest ang mga awtoridad laban sa mga naturang suspek nang matugunan na huhulihin sila ng mga ito.
Noong mga sandaling iyon ay kaagad umanong tumakas ang dalawang suspek.
Inabutan ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa tubuhang bahagi sa nasabing barangay sa Rosario.
Pinasusuko raw ang mga ito ng mga pulis ngunit sa halip na sumuko ay nagpaputok sila ng baril laban sa mga awtoridad.
Nagtamo ng tama ng baril sa kanang bahagi ng kanyang tiyan si Rocio at saka ito tuluyang naaresto.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang isang suspek habang nagpapagaling naman sa ospital si Rocio dahil sa kanyang tinamo sa panlalaban.
Samantala, kinumpirma rin ni Major Mendoza sa Brigada Batangas na bukod sa dalawang nahuli ay may apat pang suspek sa naturang pagpatay sa Chinese national.
Nilinaw naman ng Ibaan MPS na hindi pa nila itinuturing bilang Most Wanted Person ang mga naturang suspek.
Taliwas sa unang ipinakalat na balitang most wanted ang mga ito.