Nadakip ng awtoridad ang dalawang suspek sa pambubugbog at panghoholdap sa isang babaeng Chinese national sa Valenzuela.
Kinilala ang mga suspek na sina Dannyper, trentay tres anyos at kapatid nitong si John Paul, bente kwatro anyos, na parehong residente ng Caloocan City.
Base sa ulat, pinasok ng isang lalaki ang kabubukas pa lamang na fast food restaurant na pagmamay-ari ng biktima nang tutukan ito ng baril at hinihingi ang bag na may lamang pera.
Tumangging ibigay ng biktima ang kanyang bag at sa halip ay nagsisigaw kaya pumasok ang isa sa mga suspek at dito na siya pinagtulungang bugbugin.
Nagawa namang buksan ng mga suspek ang drawer at nakuha ang perang nagkakahalaga ng P300,000 saka mabilis na tumakas.
Kaagad rumesponde ang pulisya subali’t nakatakas na ang mga suspek.
Sa isinagawang follow-up operation, namataan ng kapulisan ang motorsiklong ginamit ng mga suspek sa krimen kaya pinara nila ito nguni’t sa halip na huminto ay tumakas.
Matapos ang ilang minutong habulan, nakorner ng mga operatiba ang motorsiklo na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.
Samantala, napag-alaman din ng pulisya na ang lalaking kasama diumano ng isa sa mga suspek sa krimen ay isang nagngangalang Edison Dawal habang isa pa sa kinokonsidera na suspek ay kinilalang si Sonny na dating drayber ng pamilya ng biktima, na nagbigay diumano ng mga detalye sa mga suspek ukol sa pang-araw-araw na buhay ng pamilya.
Nahaharap na sa mga kasong robbery with serious physical injuries at paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms and ammunition si Dannyper, samantalang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code, at Batas Pambansa 6 o illegal possession of bladed weapon ang kakaharapin ni John Paul.
Kasong robbery with serious physical injury naman ang inihahanda para sa dalawa pang kasabwat na pareho ng pinaghahanap ng batas.