2 patay, 2 missing sa barkong nasunog sa Batangas City

Dalawa ang patay habang dalawa ang nawawala matapos na masunog ang isang naka-angklang barko sa Alpha Anchorage, Batangas Port sa Batangas City.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard-Batangas, pasado alas-9:00 ng umaga kahapon ng Linggo nang mapansin nilang may malakas na usok sa motor tanker na may pangalang MV Tanker Sea Horse.

Agad na nagtulong-tulong ang Coast Guard, PNP Maritime, Bureau of Fire Protection at ang Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Office para maapula ang apoy.

Matapos ang dalawang oras ay tuluyang idineklarang ‘fire out’ ang sunog sa barko.

Read More:  Farmers’ daughter from Bukidnon tribe tops CPSU Batch 2026 graduates with 1.17 GWA

Ayon kay Captain Jerome Jeciel, ang Station Commander ng PCG-Batangas, halos 30 percent ng barko ang nasunog kung saan pinaka-natupok ang pilot house.

Batay sa report, pawang mga crew ng barko ang nasawi.

Ang una ay natagpuang palutang-lutang sa dagat habang ang isa pa ay sunog na sunog ang katawan na naipit ng mga bakal sa barko.

May isa namang nakaligtas pero ayon sa Coast Guard, nagtamo ito ng hanggang 40 percent degree burn.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Coast Guard, posibleng nagsimula ang sunog sa kusina ng barko kung saan may crew umano noon na nagluluto.

Read More:  UP-Cebu alumnus who campaigned for free education killed in Negros encounter

Pero sa hiwalay na imbestigasyon ng BFP-Batangas City, may sumabog sa main deck ng barko malapit sa pilot house na siyang pinagmulan ng sunog.

Posibleng ito raw ay dahil sa pagwewelding sa barko.

Samantala, kinumpirma rin ng Coast Guard sa Brigada Batangas na may lulang mga langis ang nasabing tanker, pero sa ngayon hindi pa malaman kung gaano ito karami.

Tiniyak naman ng Coast Guard na nakahanda sila sa posibilidad ng oil spill.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.