2 barangay sa bayan ng Viga, Catanduanes isinailalim sa dalawang linggong lockdown bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19

Viga, Catanduanes—Nakasailalim ngayon sa dalawang linggong total lockdown ang dalawang barangay sa bayan ng Viga, Catanduanes matapos na makapagtala ng mataas na infection rate sa mga ito.

Ayon sa alkalde ng bayan na si Mayor Bong Tarin, inirekomenda ng DOH at Local IATF na isailalim sa 14 days lockdown ang mga Barangay ng San Jose Oco at Barangay Roxas ng nasabing bayan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas at pagkalat ng coronavirus sa naturang mga lugar.

Read More:  P136-M shabu hidden in Chinese tea bags seized in Cebu

Kinakailangan aniyang ipatupad ang nasabing restriksiyon dahil nakakabahala na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga residenteng tinatamaan ng COVID-19 sa dalawang barangay.

Bukod sa pagpapatupad ng lockdown, nakatakda ring maglabas ng kautusan ang alkalde upang palawigin din ng karagdagang pang 14 na araw ang umiiral na liquor ban sa naturang bayan.

Read More:  Mother nabbed in drug bust, 3 children left with neighbors

Samantala, nangako naman ang alkade na handang magbigay ng tulong at asistensya ang pamahalaang lokal sa mga residenteng apektado ng lockdown sa pamamagitan ng pamamahagi ng food packs at basic necessities ng mga ito.

Sa huli, hiningi ng alkalde ang pag-unawa ng publiko at ang pagpapaalala sa mga ito na matamang sundin ang mga minimum health standards para sa kaligtasan ng lahat.###