KORONADAL CITY — NAPATAY ng mga otoridad ang dalawang armadong lalaki matapos umanong nanlaban kahapon ng hapon sa national highway, Sitio Basak, Barangay Polonuling, Tupi, South Cotabato.
Kinilala ng Tupi PNP ang napatay na mga suspek na sina Ron Ron Villorente, 24-anyos, binata at Tata Villorente, 24 anyos, magsasaka, kapwa mga residente ng Purok 5, Barangay Simbo ng nasabing bayan.
Una rito, nirespondihan ng mga kapulisan ang ulat na may dalawang armado na sakay ng motorsiklo sa harapan ng Tupi Fruit Park sa Barangay Kablon ng bayan.
Agad din na nakipag-ugnayan ang mga ito sa Polomolok PNP para sa chokepoint operation sa Barangay Crossing Palkan ng bayan.
Agad namang namataan ang dalawang lalaki ngunit nang sinita, mabilis na tumakas ang mga ito dahilan upang habulin ng mga otoridad hanggang sa makarating sa chokepoint.
Nakipag-putukan umano ang mga suspek sa mga otoridad dahilan upang tamaan ang mga ito at agad na isinugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre 9mm at kalibre 45, magazine at mga bala kasama na ang motorsiklong ginamit ng mga suspek.
