KORONADAL CITY – NAKAPAGTALA na ang lalawigan ng South Cotabato ng 4, 505 na mga influenza-like illness o trangkaso mula noong Enero hanggang December 2 ngayong taon.
Ito ay batay sa datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit o PESU ng Integrated Provincial Health Office o IPHO.
Ang naturang bilang ay mas mataas kumpara sa katulad na panahon noong nakaraang taon. Pinakabata sa mga nagkasakit ay 21 days old lamang habang 93 anyos naman ang pinakamatanda.
Samantala, 13 naman ang naitalang namatay dahil sa naturang sakit. Walo sa mga ito ay naitala sa Barangay Salacafe, TBoli at 5 sa Ned, Lake Sebu. Ang bayan ng Tboli din ang may pinakamataas na reported case na umabot sa 1,078. Kaugnay nito, inirerekomenda ni Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr sa publiko ang pagsusuot ng face mask sa mga matataong lugar at ugaliing maghugas o magsanitize ng kamay.
Hinihikayat din nito ang mga senior citizens, mga buntis at mga immunocompromised na magpabakuna kontra sa influenza virus o flu vaccine. Ang influenza ay nagdudulot ng impeksyon sa ilong, lalamunan at baga. Kabilang sa sintomas nito ay mataas na lagnat, pananakit ng katawan, ubo, pananakit ng lalamunan, rhinitis at sakit ng ulo.
