Ninakaw ang labing- isang (11) manok na tandang sa isang farm sa Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City nitong Linggo, March 26, 2023.
Ayon sa caretaker ng farm na si Mike, hinala niya ay madaling araw kinuha ang mga manok panabong kung saan naka-idlip umano siya kaya hindi namalayan ang pagpasok ng magnanakaw o mga magnakakaw.
Tinataya nitong aabot sa 150 libong piso ang halaga ng mga ninakaw na manok na kinabibilangan ng, sweater, white toppy at celso.
Aminado ang nagbabantay na walang CCTV camera ang compound kaya wala silang maiturong suspek sa ngayon.
Ipinagtataka pa ng nagbabantay kung bakit hindi umano nakatahol ang mga alagang aso sa farm.
Samantala, nananawagan si Mike sa publiko sa pamamagitan ng Brigada na agad ipaalam sa kinauukulan kung may magbenta o napagbentahan ng tandang na ninakaw.