KORONADAL CITY — ISA ang patay habang halos 400 katao ang nagsilikas dahil sa pagbaha sa apat na mga barangay sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Municipal Disaster Risk Reduction Officer Roberto Bagong, kinumerpa nito na kabilang sa mga barangay na binaha ay ang Poblacion, Hanoon, Lamlakak at Ned dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan kagabi.
Isa naman ang naiulat na namatay matapos inanod ng tubig-baha ang motorsiklong sinasakyan nito.
Sa ngayon, nananatili sa evacuation centers ang mga pamilyang nagsilikas dahil sa pagbaha. May mga bahay din na winasak ng rumaragasang tubig-baha sa nasabing mga lugar.
Maliban sa mga residente, apektado din ng malawakang pagbaha ang mga taniman ng palay at mga fish cages ng tilapia na isa sa pangunahing produkto ng Lake Sebu.
Ang pag-ulan na nararanasan sa South Cotabato ay bunsod ng Low Pressure Area o LPA na nakakaapekto sa Mindanao.
