CAMARINES NORTE- Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang limang iba pa sa banggaan ng motorsiklo kamakalawa ng hatinggabi sa Purok-1 Barangay Catabaguangan, Capalonga, Camarines Norte.
Ayon sa ulat ng Capalonga Municipal Police Station, kinilala lamang ang nasawi na si alyas “John” 17, ang driver ng motorsiklo angkas ang tatlong iba pa na edad 15, 16 at 18 anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya habang binabaybay ng isa pang motorsiklong minamaneho ni alyas “Bert” 33 ang kahabaan ng kalsada patungong kasentrohan nang biglang salpukin ito ng kasalubong na motorsiklo na minamaneno ni alyas John.
Tumilapon ang motorsiklong minamaneho ni “John” sa kaliwang bahagi ng kalsada na nagresulta sa pagkakatamo ng seryosong tama sa parte ng drayber at sugatan sa iba’t ibang parte ng katawan naman ang tatlong angkas nito.
Ang drayber naman ng isang motorsiklo na si alyas “Bert” at ang angkas nito ay nagtamo rin ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng ng katawan.
Ang lahat ng mga biktima ay dinala sa Camarines Norte Provincial ngunit hindi pinalad na makaligtas ang isa sa mga ito.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na at laging masama ang panahon at madulas ang kalsada.
Pinaalalahanan din na huwag magmaneho ang mga walang lisensya at nakainom ng alak.
