1, 134 na bagong kaso ng COVID-19 naitala sa bansa

Nakapagtala ngayong araw ng 1, 134 na bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health.

Ito na ang ikalimang sunod na araw na may mahigit 1,000 bagong kaso na naitala at ang nationwide caseload ay umabot na ng 4,049,042.

Huling naitala ng departamento ang mas kaunti sa 1,000  na kaso noong December 6 na may 883.

Batay sa pinakahuling datus ng DOH, bumaba ang active cases sa bansa sa 18,252 mula sa 18,387 noong Sabado. Sa loob ng tatlong magkakasunod na araw, ang mga aktibong kaso ay muling umabot sa mahigit 18,000.

Umakyat sa 3,965,910 ang bilang ng mga nakarekober habang 24 naman ang nasawi at ngayo’y umabot na ng 64,880 ang COVID-19 deaths sa bansa.

Ayon sa DOH, ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region na may 5,591 na sinundan ng Calabarzon na may 2,260 at Central Luzon na may 1,090.

Sinabi ng Health Department na hindi bababa sa 10,313 indibidwal ang nasuri, habang 314 na testing lab ang nagsumite ng data noong Disyembre 10.//CA