Tiniyak ng Police Regional Office 2 ang pagkakaroon ng transparency at integridad sa PNP Recruitment sa pamamagitan ng isinagawang random inspection sa mga dokumentio ng mga aplikante ngayong araw, September 26, 2023.
Pinangunahan ni PBGen Christopher Birung ang pagsusuri kung saan kumuha ito ng isang folder at tinignan sa database ng Regional Recruitment and Selection Unit 2 kung tama ang rank ng aplikante.
Ayon sa PRO2, ang basehan sa ranking at pagpili sa mga aplikante ay ang pagkakaroon ng Latin Honors, With Academic Distinction, General Weighted Average at dapat ang Eligibility Rating nito ay limang porsyentong mas mataas sa passing rate.
Samantala, 150 lamang mula sa 1,510 na pumasa sa Physical Agility Test ang sasailalim sa Neuro-Psychiatric Examination bukas alinsunod sa Napolcom Circular No. 2021-001.
Mula sa nasabing bilang ng mga aplikante, 35 ang galing sa Isabela, tig-30 sa Cagayan, Quirino at Nueva Vizcaya, 15 sa Santiago City at 10 sa Batanes.
Ang mga aplikanteng nais iberipika ang kanilang standing ay maaaring magtungo sa tanggapan ng RRSU.
Ipinunto pa ni PBGen Birung na kailangang panatilihin ng RRSU ang transparency at integridad sa proseso ng PNP Recruitment sa Region 2 at dapat walang anumang error dito.