Nasawi ang dalawang katao kabilang na ang isang senior citizen na mula sa Cauayan City matapos ang nangyaring pamamaril sa loob ng pampasaherong bus sa Carranglan, Nueva Ecija.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, ang babaeng biktima ay 60-anyos at residente ng Sta. Luciana, Cauayan City habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng katabi nitong nasawi rin.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Carranglan Police station na pinaniniwalaang sa terminal ng bus sa Cauayan City sumakay ang mga biktima
Sa isang video, makikita na walang habas na pinagbabaril ng mga suspek ang dalawang biktima kung saan matapos isagawa ang krimen ay agad din silang bumaba.
Nakaalerto na ang bawat himpilan ng pulisya sa Nueva Ecija at Nueva Vizcaya upang mahuli ang mga suspek na hindi pa pinapangalanan.