Aabot sa labing-apat na libong piso ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa isang magsasaka na kabilang sa High Value Individual PDEA Municipal Target List sa Camalaniugan, Cagayan.
Kinilala ang naaresto na si alyas Marlon, 43-anyos at residente sa naturang bayan.
Naaresto ito matapos ang isinagawang search warrant ng PNP Camalaniugan katuwang ang Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit at iba pang law enforcement agencies.
Nakumpiska pa mula sa direktang pag-iingat nito ang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P14,000, weighing scale, improvised water pipe, nakarolyong aluminum foil, lighter at iba pang drug paraphernalia.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PNP Camalaniugan ang naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.