Hindi sumipot ang Betwagan tribesmen ng Sadanga, Mt. Province sa peace dialogue na inorganisa ni Tinglayan Mayor Sacrament Gumilab kasama ang Butbut tribe ng Tinglayan, Kalinga upang magkaroon ng kasunduan mula sa kanilang ilang dekadang alitan sa teritoryo.
Sumang-ayon umano ang Betwagan tribe na makipagpulong subalit isang liham ang natanggap ng mga opisyales ng gobyerno sa nakatakdang araw.
Hindi umano makakadalo ang mga barangay officials at elders ng nasabing tribo dahil kasalukuyan ang kanilang “ngilin” o ang kanilang community mourning na siyang nagli-limita sa kanilang pag-alis.
Dahil dito, upang hindi masayang ang peace dialogue ay iminungkahi na lang na magkaroon ng bagong utilization of sipat o peace accord.
Sinang-ayunan naman ito ng Butbut tribes subalit sinabing dapat umatras ang Betwagan tribe sa dati nilang kondisyon na tanggalin ang mga nakapastol na mga hayop sa pinagtatalunang teritoryo.
Nagkaroon na rin ng peace talks sa dalawang panig noong nakaraang taon subalit hindi sila humantong sa kasunduan matapos hindi pumayag ang Butbut tribe na kilalanin ang Macli-ing boundary mula sa resolusyon ng Regional Law Enforcement Coordinating Committee and multi-agency.
Bukas pa rin naman ang Betwagan tribe sa pakikipag-ayos sa kabilang tribo.
Dumalo rin sa nasabing peace dialogue ang mga Provincial Director ng National Commission on Indigenous Peoples at Provincial Environment and Natural Resources Office ng Mt. Province at mga kinatawan ng Butbut tribe.
Ayon naman kay Gumilab, High School pa lamang siya nang mamulat sa alitan ng dalawang tribo kaya’t umaasa siya na habang siya ang Local Excecutive Chief ng Tinglayan ay matuldukan na ang kanilang sagupaan.