Nagsimula na ngayong araw sa F.L. Dy Memorial Coliseum ang pay-out ng distribusyon ng Cash Assistance para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng dito sa lungsod ng Cauayan.
Batay sa datos na nakuha ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, aabot sa 2,903 na pamilya ang benepisyaryo ng nasabing cash assistance.
Sa naging panayam naman ng Brigada News Team kay Jocelyn Tappa, 34 anyos, residente ng Barangay Andarayan, Cauayan City, malaking tulong na ang P2000 cash assistance para makabili ng pang-araw araw nilang pangangailangan katulad ng bigas at iba pa.
Kung matatandaan, Oktubre pa ng nakaraang taon nanalasa ang bagyong Paeng at ayon kay Jocelyn, sa awa naman ng Diyos ay unti-unti na silang nakakabangon.
Tatagal ang cash assistance payout hanggang bukas, August 15.