Muli na namang nagtaas ang mga presyo ng petrolyo ngayong Martes, August 22.
Sa magkakaibang advisories kahapon ng mga oil companies, tataas muli ng P1.10 kada litro ang gasolina, P0.20 naman para sa diesel at P0.70 para sa kerosene.
Ito na ang pang-pitong magkakasunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng diesel at kerosene, at pang-anim naman sa presyo ng gasolina.
Samantala, nakapanayam ng Brigada News Team si Gilbert Tagao, isang PUV driver upang kunin ang pulso ng mga ito sa dagdag pasahe dahil na rin sa pagtaas din ng mga presyo ng petrolyo.
Gusto aniya niyang magkaroon ng dagdag-pasahe kasi sa lagay ngayon ng mga presyo ay sila naman umano ang malulugi.
Pabor din ang commuter na si Antonio Calegan sa dagdag pasahe subalit wag lang daw sanang sobrang taasan ng mga driver.
Dagdag pa niya, marami rin daw kasi ang mga driver na naninigil ng mas mataas sa ilalabas na fare matrix.
Sa ngayon ay hindi pa iimplementa ang dagdag presyo sa lungsod ng Cauayan.